Minsan natanong ko sa sarili ko, kung ako ay magiging bading o tomboy, ano kaya ang mararamdaman ko? Ano kaya ang kahihinatnan ng buhay ko sa gitna ng mga taong handang kumutya at manghusga sa pagkatao ko? Magiging masaya ba kaya ako o iisipin ko nalang na hindi lumabas para maiwasan ang mga masasakit na panlalait nila?
Alam kong marami sila, ang iba lantaran na
habang ang iba ay nanahimik lang, takot na kung malaman ng iba, pandidirihan at
kamumuhian sila. Minsan madalas manghusga ang mga tao sa usapang sekswalidad. Simula pagkabata ay naging
tampulan na sila ng mga panlalait at
tukso ng mga tao na nagiging dahilan rin ng pagbuo ng takot sa kanilang mga
damdamin na lumabas at lumantad. Kagaya nalang ng housemate na si Fifth Pagotan
ng Pinoy Big Brother, matapos niyang aminin ang kalituhan niya sa kanyang
sekswalidad, agad siyang napuno ng mga panghuhusga at panlalait mula sa mga
tao. Mga panghuhusgang sagad hanggang kaluluwa at naapektuhan na ang buong
pagkatao.
Sino nga ba sila? Saan sila
lulugar? Saan sila tutungo? Magkaiba man ang mga paningin natin pagdating sa
mga usapang sekswalidad ay hindi natin maiiwasan na husgahan at hindi ituring
na parte ng lipunan ang mga katulad nila. Nagkakagusto sila sa kapwa nilang lalake
at babae o di kaya’y parehong sa lalake at babae kaya alam kong para sa iba ay
hindi kaaya-ayang pakinggan. Hindi naman yata nila ito ginusto at alam nilang
naging parte rin ang lipunan sa paghubog na karakter, sekswalidad at pagkatao
nila kaya hindi ko maintindihan kung bakit sa panahon natin ngayon ay patuloy
pa rin ang walang hanggan na panlalait at panghuhusga sa sekswalidad nila. Mahirap
para sa kanila ang kalagayang ito, hindi lang sila problemado sa kung ano ang
sasabihin ng mga tao pati na rin ng kanilang mga kaibigan at pamilya. Mahirap
magkunwari at ikubli ang isang bagay na nagrerepresenta ng tunay na pagkatao
mo. Mahirap itago ang isang bagay na unti-unting lumalabas sa paglipas ng mga
panahon.
Hindi nila maisip kung
ano ang sasabihin ng iba kung ilalabas nila ang tunay na pagkatao nila. Malimit
yata pumasok kanilang mga isipan ang paglabas at ipahayag ang tunay na sila dahil
alam nilang na sa pag-amin nila, magiging tampulan sila ng mga panghuhusga.
Hindi naman siguro dapat maging basehan kung ano ang uri ng pagkatao nila para
husgahan na hindi sila kaaya-aya at walang naidudulot na maganda sa ating
lipunan at nakasisira pa. Mga panghuhusgang unti-unting bumabago at pumupukaw
sa kanilang mga damdamin para lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
Natitiis nila ang mga panlalait ng mga tao ngunit lahat ng kasobrahan ay masama
na at dapat lagyan na ng limitasyon. Sa kabilang banda, masuwerte ang iba dahil
malugod silang tinanggap ng walang pag-aalinlangan ng mga taong nakapaligid sa
kanila at mismo ng lipunan nila. Kung iisipin lang natin, hindi naman masama
ang pagiging iba, magiging masama lang ito pag nagiging sobra na at labag na sa
utos ng Diyos.
Paano nga ba nila bubuksan
ang kanilang mga damdamin at buong pagkatao sa lahat ng magkakaroon nang interes
na tumunghay at mangutya? Saan nga ba sila dadalhin ng takot na ito?
Bubuo nalang siguro sila
ng isang lugar kung saan ang mga katulad nila ay magiging tanggap maging sino
ka man malayo sa mga mapanghusga at mga mapanlait na mga tao. Hindi nila kayang ikubli ang mga katotohanang
kailangan nilang panindigan dahil alam nilang ito ang kanilang magiging
kaligayahan.
Bading, Tomboy,
Bisexual, Pansexual, Transgender o kung ano man ay mga tao pa rin sila. Yun nga
lang, mga katauhang nasa maling katawan. Mahirap ang pinagdaraanan nila at mas
lalong naging mahirap ito kung hindi sila magiging tanggap sa ating lipunan. Isa
lang naman ang kailangan nila, ito ay RESPETO.
No comments:
Post a Comment