Wednesday, November 5, 2014

Respeto



         

          Minsan natanong ko sa sarili ko, kung ako ay magiging bading o tomboy, ano kaya ang mararamdaman ko? Ano kaya ang kahihinatnan ng buhay ko sa gitna ng mga taong handang kumutya at manghusga sa pagkatao ko? Magiging masaya ba kaya ako o iisipin ko nalang na hindi lumabas para maiwasan ang mga masasakit na panlalait nila?

          Alam kong marami sila, ang iba lantaran na habang ang iba ay nanahimik lang, takot na kung malaman ng iba, pandidirihan at kamumuhian sila. Minsan madalas manghusga ang mga tao sa usapang  sekswalidad. Simula pagkabata ay naging tampulan na sila  ng mga panlalait at tukso ng mga tao na nagiging dahilan rin ng pagbuo ng takot sa kanilang mga damdamin na lumabas at lumantad. Kagaya nalang ng housemate na si Fifth Pagotan ng Pinoy Big Brother, matapos niyang aminin ang kalituhan niya sa kanyang sekswalidad, agad siyang napuno ng mga panghuhusga at panlalait mula sa mga tao. Mga panghuhusgang sagad hanggang kaluluwa at naapektuhan na ang buong pagkatao. 

         Sino nga ba sila? Saan sila lulugar? Saan sila tutungo? Magkaiba man ang mga paningin natin pagdating sa mga usapang sekswalidad ay hindi natin maiiwasan na husgahan at hindi ituring na parte ng lipunan ang mga katulad nila. Nagkakagusto sila sa kapwa nilang lalake at babae o di kaya’y parehong sa lalake at babae kaya alam kong para sa iba ay hindi kaaya-ayang pakinggan. Hindi naman yata nila ito ginusto at alam nilang naging parte rin ang lipunan sa paghubog na karakter, sekswalidad at pagkatao nila kaya hindi ko maintindihan kung bakit sa panahon natin ngayon ay patuloy pa rin ang walang hanggan na panlalait at panghuhusga sa sekswalidad nila. Mahirap para sa kanila ang kalagayang ito, hindi lang sila problemado sa kung ano ang sasabihin ng mga tao pati na rin ng kanilang mga kaibigan at pamilya. Mahirap magkunwari at ikubli ang isang bagay na nagrerepresenta ng tunay na pagkatao mo. Mahirap itago ang isang bagay na unti-unting lumalabas sa paglipas ng mga panahon.

        Hindi nila maisip kung ano ang sasabihin ng iba kung ilalabas nila ang tunay na pagkatao nila. Malimit yata pumasok kanilang mga isipan ang paglabas at ipahayag ang tunay na sila dahil alam nilang na sa pag-amin nila, magiging tampulan sila ng mga panghuhusga. Hindi naman siguro dapat maging basehan kung ano ang uri ng pagkatao nila para husgahan na hindi sila kaaya-aya at walang naidudulot na maganda sa ating lipunan at nakasisira pa. Mga panghuhusgang unti-unting bumabago at pumupukaw sa kanilang mga damdamin para lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Natitiis nila ang mga panlalait ng mga tao ngunit lahat ng kasobrahan ay masama na at dapat lagyan na ng limitasyon. Sa kabilang banda, masuwerte ang iba dahil malugod silang tinanggap ng walang pag-aalinlangan ng mga taong nakapaligid sa kanila at mismo ng lipunan nila. Kung iisipin lang natin, hindi naman masama ang pagiging iba, magiging masama lang ito pag nagiging sobra na at labag na sa utos ng Diyos. 

       Paano nga ba nila bubuksan ang kanilang mga damdamin at buong pagkatao sa lahat ng magkakaroon nang interes na tumunghay at mangutya? Saan nga ba sila dadalhin ng takot na ito? 

        Bubuo nalang siguro sila ng isang lugar kung saan ang mga katulad nila ay magiging tanggap maging sino ka man malayo sa mga mapanghusga at mga mapanlait na mga tao.  Hindi nila kayang ikubli ang mga katotohanang kailangan nilang panindigan dahil alam nilang ito ang kanilang magiging kaligayahan. 

        Bading, Tomboy, Bisexual, Pansexual, Transgender o kung ano man ay mga tao pa rin sila. Yun nga lang, mga katauhang nasa maling katawan. Mahirap ang pinagdaraanan nila at mas lalong naging mahirap ito kung hindi sila magiging tanggap sa ating lipunan. Isa lang naman ang kailangan nila, ito ay RESPETO.