Wednesday, November 5, 2014

Respeto



         

          Minsan natanong ko sa sarili ko, kung ako ay magiging bading o tomboy, ano kaya ang mararamdaman ko? Ano kaya ang kahihinatnan ng buhay ko sa gitna ng mga taong handang kumutya at manghusga sa pagkatao ko? Magiging masaya ba kaya ako o iisipin ko nalang na hindi lumabas para maiwasan ang mga masasakit na panlalait nila?

          Alam kong marami sila, ang iba lantaran na habang ang iba ay nanahimik lang, takot na kung malaman ng iba, pandidirihan at kamumuhian sila. Minsan madalas manghusga ang mga tao sa usapang  sekswalidad. Simula pagkabata ay naging tampulan na sila  ng mga panlalait at tukso ng mga tao na nagiging dahilan rin ng pagbuo ng takot sa kanilang mga damdamin na lumabas at lumantad. Kagaya nalang ng housemate na si Fifth Pagotan ng Pinoy Big Brother, matapos niyang aminin ang kalituhan niya sa kanyang sekswalidad, agad siyang napuno ng mga panghuhusga at panlalait mula sa mga tao. Mga panghuhusgang sagad hanggang kaluluwa at naapektuhan na ang buong pagkatao. 

         Sino nga ba sila? Saan sila lulugar? Saan sila tutungo? Magkaiba man ang mga paningin natin pagdating sa mga usapang sekswalidad ay hindi natin maiiwasan na husgahan at hindi ituring na parte ng lipunan ang mga katulad nila. Nagkakagusto sila sa kapwa nilang lalake at babae o di kaya’y parehong sa lalake at babae kaya alam kong para sa iba ay hindi kaaya-ayang pakinggan. Hindi naman yata nila ito ginusto at alam nilang naging parte rin ang lipunan sa paghubog na karakter, sekswalidad at pagkatao nila kaya hindi ko maintindihan kung bakit sa panahon natin ngayon ay patuloy pa rin ang walang hanggan na panlalait at panghuhusga sa sekswalidad nila. Mahirap para sa kanila ang kalagayang ito, hindi lang sila problemado sa kung ano ang sasabihin ng mga tao pati na rin ng kanilang mga kaibigan at pamilya. Mahirap magkunwari at ikubli ang isang bagay na nagrerepresenta ng tunay na pagkatao mo. Mahirap itago ang isang bagay na unti-unting lumalabas sa paglipas ng mga panahon.

        Hindi nila maisip kung ano ang sasabihin ng iba kung ilalabas nila ang tunay na pagkatao nila. Malimit yata pumasok kanilang mga isipan ang paglabas at ipahayag ang tunay na sila dahil alam nilang na sa pag-amin nila, magiging tampulan sila ng mga panghuhusga. Hindi naman siguro dapat maging basehan kung ano ang uri ng pagkatao nila para husgahan na hindi sila kaaya-aya at walang naidudulot na maganda sa ating lipunan at nakasisira pa. Mga panghuhusgang unti-unting bumabago at pumupukaw sa kanilang mga damdamin para lumaban at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Natitiis nila ang mga panlalait ng mga tao ngunit lahat ng kasobrahan ay masama na at dapat lagyan na ng limitasyon. Sa kabilang banda, masuwerte ang iba dahil malugod silang tinanggap ng walang pag-aalinlangan ng mga taong nakapaligid sa kanila at mismo ng lipunan nila. Kung iisipin lang natin, hindi naman masama ang pagiging iba, magiging masama lang ito pag nagiging sobra na at labag na sa utos ng Diyos. 

       Paano nga ba nila bubuksan ang kanilang mga damdamin at buong pagkatao sa lahat ng magkakaroon nang interes na tumunghay at mangutya? Saan nga ba sila dadalhin ng takot na ito? 

        Bubuo nalang siguro sila ng isang lugar kung saan ang mga katulad nila ay magiging tanggap maging sino ka man malayo sa mga mapanghusga at mga mapanlait na mga tao.  Hindi nila kayang ikubli ang mga katotohanang kailangan nilang panindigan dahil alam nilang ito ang kanilang magiging kaligayahan. 

        Bading, Tomboy, Bisexual, Pansexual, Transgender o kung ano man ay mga tao pa rin sila. Yun nga lang, mga katauhang nasa maling katawan. Mahirap ang pinagdaraanan nila at mas lalong naging mahirap ito kung hindi sila magiging tanggap sa ating lipunan. Isa lang naman ang kailangan nila, ito ay RESPETO.


Saturday, August 16, 2014

Mag-aaral Ako


            Maraming taon na pala ang nakalipas ng minsan natanong ko sa sarili ko kung ano ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Sa murang edad  ko, dahil nga sa naikintal na sa isipan ko ang palagi nilang sinasabi na “Libre lang ang mangarap”, natuto na akong mangarap ng mataas at umasa. Inisip ko kung paano ko ito makakamtan at ano ang gagawin ko para matamasa ang tamis ng tagumpay. Isa lang ang pumasok sa isipan ko, ang pag-aaral. Alam kong isa ito sa mga importanteng paraan sa pag-abot ng aking mga pangarap. Minsan nga pinagarap kong maging Nurse, Doktor, Abogado, Guro Psychologist, Historian at Pulis. Nakakatawang isipin na ang dami ng gusto kong maging propesyon ngunit hindi ko man lang naisip kung gaano kagastos ang pag-aralan ang mga ito. Sa panahon natin ngayon, iilan na lamang ang mga masusuwerteng nabibigyan ng pagkakataon para makapag-aral lalong-lalo na sa kolehiyo. Masakit isipin sa mga gustong mag-aral na hindi sila makakapag-aral sa kadahilanan na wala silang pera. Magkano nga ba ang isang semester ngayon? P20,000 - P40,000? Ang mahal. Mas nanaisin nalang nilang ilaan ang mga panahon nila na magtrabaho kaysa ang pag-aaral. Pero teka, nasaan na pala ang suporta ng ating pamahalaan? Meron nga, pero sapat ba?

           Nasaan na ang pondong inilaan para sa edukasyon? Kulang. Iyan nalang palaging naririnig natin. Kulang sa pera, suporta, classroom, guro, materyales, pagkain, gamot, bitamina, pagmamahal, pagkalinga at iba pa. Ang mga pangarap nilang matatag na binuo noong nagsimula pa silang mangarap ay unti-unti nang natitibag at naglalaho. Marami silang nasa ganitong sitwasyon ngayon at patuloy na lumalaban at nagsusumikap para makapagtustos sa kanilang pag-aaral. Bilib din ako sa kanila sapagkt lahat ay kakayanin nilang harapin. Kadalasan reklamo ng mga estudyante ay mahirap ang mag-aral. Maraming assignments, quizzes, projects, requirements, activities, samahan pa ng mga mahihirap na subjects at mga terror na guro. Masusubukan mo ring magkarron ng naglalakihang mga eyebags dahil sa kakulangan ng tulog, mapagalitan ng mga magulang dahil late nang umuwi galing sa practice, mabutasan ng bulsa dahil sa dami ng mga bayarin at iba pa. Ang hirap diba? Lahat ng iyan ay kulang pa sa kailangan mong pagdaanan at paghirapan. Sa madaling sabi, ang pag-aaral ay mahirap at hindi biro. Ngunit gaano man ito kahirap, para sa mga determinado at masikap na estudyante ay wala lang ang mga ito. Naitatak na sa kanilang mga isipan na ang importante ay may natututunan sila, magkapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho.

        Naalala ko nga noong hyskul pa ako ay narinig ko mga kaklase kong nagsabi na makakapagtapos sila at makakakuha ng magandang trabaho ngunit wala namang ginagawa. Kung mangangarap tayo, dapat may kasamang aksyon. Hindi puro salita at pangarap lang, dapat may kaakibat na pagtitiyaga at pagsisikap. Ngayong nabigyan ako ng pakakataong makapag-aral at nasa kolehiyo na ako, alam kong malapit na ako sa rurok ng tagumpay. Alam kong marami pa akong pagdadaanang hirap at pagod pero tatandaan ko na may mga pangarap ako, ito ang magsisilbing lakas at inspirasyon ko upang magtiyaga at magpunyagi sa hinaharap.


           Sa kabila man ng mga umuusbong na hadlang sa ating pag-aaral, manalig tayo at lumaban. Hindi hadlang ang mga ito para sumuko bagkus tayo ay magsikap at higit sa lahat tayo ay magtiwala sa ating sarili. Panatilihin natin ang ating mga pangarap dahil ito ang magsisilbing liwanag at nagbibigay kahulugan sa ating buhay. Pagbutihin natin ang ating pag-aaral nang sa gayon ay mararating natin ang tamis ng minimithi nating tagumpay.