Maraming taon na pala ang nakalipas ng minsan natanong ko sa sarili ko kung ano ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Sa murang edad ko, dahil nga sa naikintal na sa isipan ko ang palagi nilang sinasabi na “Libre lang ang mangarap”, natuto na akong mangarap ng mataas at umasa. Inisip ko kung paano ko ito makakamtan at ano ang gagawin ko para matamasa ang tamis ng tagumpay. Isa lang ang pumasok sa isipan ko, ang pag-aaral. Alam kong isa ito sa mga importanteng paraan sa pag-abot ng aking mga pangarap. Minsan nga pinagarap kong maging Nurse, Doktor, Abogado, Guro Psychologist, Historian at Pulis. Nakakatawang isipin na ang dami ng gusto kong maging propesyon ngunit hindi ko man lang naisip kung gaano kagastos ang pag-aralan ang mga ito. Sa panahon natin ngayon, iilan na lamang ang mga masusuwerteng nabibigyan ng pagkakataon para makapag-aral lalong-lalo na sa kolehiyo. Masakit isipin sa mga gustong mag-aral na hindi sila makakapag-aral sa kadahilanan na wala silang pera. Magkano nga ba ang isang semester ngayon? P20,000 - P40,000? Ang mahal. Mas nanaisin nalang nilang ilaan ang mga panahon nila na magtrabaho kaysa ang pag-aaral. Pero teka, nasaan na pala ang suporta ng ating pamahalaan? Meron nga, pero sapat ba?
Nasaan
na ang pondong inilaan para sa edukasyon? Kulang. Iyan nalang palaging
naririnig natin. Kulang sa pera, suporta, classroom, guro, materyales, pagkain,
gamot, bitamina, pagmamahal, pagkalinga at iba pa. Ang mga pangarap nilang
matatag na binuo noong nagsimula pa silang mangarap ay unti-unti nang natitibag
at naglalaho. Marami silang nasa ganitong sitwasyon ngayon at patuloy na
lumalaban at nagsusumikap para makapagtustos sa kanilang pag-aaral. Bilib din
ako sa kanila sapagkt lahat ay kakayanin nilang harapin. Kadalasan reklamo ng
mga estudyante ay mahirap ang mag-aral. Maraming assignments, quizzes,
projects, requirements, activities, samahan pa ng mga mahihirap na subjects at
mga terror na guro. Masusubukan mo ring magkarron ng naglalakihang mga eyebags
dahil sa kakulangan ng tulog, mapagalitan ng mga magulang dahil late nang umuwi
galing sa practice, mabutasan ng bulsa dahil sa dami ng mga bayarin at iba pa.
Ang hirap diba? Lahat ng iyan ay kulang pa sa kailangan mong pagdaanan at paghirapan.
Sa madaling sabi, ang pag-aaral ay mahirap at hindi biro. Ngunit gaano man ito
kahirap, para sa mga determinado at masikap na estudyante ay wala lang ang mga
ito. Naitatak na sa kanilang mga isipan na ang importante ay may natututunan
sila, magkapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang trabaho.
Naalala ko nga noong hyskul pa ako ay narinig
ko mga kaklase kong nagsabi na makakapagtapos sila at makakakuha ng magandang
trabaho ngunit wala namang ginagawa. Kung mangangarap tayo, dapat may kasamang
aksyon. Hindi puro salita at pangarap lang, dapat may kaakibat na pagtitiyaga
at pagsisikap. Ngayong nabigyan ako ng pakakataong makapag-aral at nasa
kolehiyo na ako, alam kong malapit na ako sa rurok ng tagumpay. Alam kong
marami pa akong pagdadaanang hirap at pagod pero tatandaan ko na may mga
pangarap ako, ito ang magsisilbing lakas at inspirasyon ko upang magtiyaga at
magpunyagi sa hinaharap.
Sa
kabila man ng mga umuusbong na hadlang sa ating pag-aaral, manalig tayo at
lumaban. Hindi hadlang ang mga ito para sumuko bagkus tayo ay magsikap at higit
sa lahat tayo ay magtiwala sa ating sarili. Panatilihin natin
ang ating mga pangarap dahil ito ang magsisilbing liwanag at nagbibigay
kahulugan sa ating buhay. Pagbutihin natin ang ating pag-aaral nang sa gayon ay
mararating natin ang tamis ng minimithi nating tagumpay.